Performative Religiosity

 



May mga tao na hindi lamang gustong makitang masipag, matalino, o “reliable.” Gusto rin nilang makitang banal. Kaya ikinukuwento nila sa iba na nagrosaryo sila bago ang meeting, nagpa-misa para sa isang mahirap na sitwasyon, nag-alay ng itlog kay Sta. Clara bago ang presentasyon, at kapag hindi sila napahiya o napagalitan, agad nilang inuugnay ang resulta sa kanilang “spirituality.” Sa unang tingin, tila inosenteng pahayag lamang ito ng pananampalataya. Ngunit kapag sinuri nang mabuti, madalas itong hindi anyo ng malalim na espirituwalidad kundi isang masalimuot na halo ng superstisyon, pag-iwas sa pananagutan, at pagpapabango ng moral na imahe.

Ang tunay na pananampalataya ay karaniwang tahimik, mapagpakumbaba, at hindi palabandera. Hindi nito kailangang iparada ang sarili para mapaniwala ang iba na “mabuti” ang maydala nito. Ngunit sa may mga taong ginagamit ang relihiyosong wika at ritwal bilang panangga sa sariling pagkukulang. Kapag palpak ang trabaho, kulang ang paghahanda, o sablay ang output, imbes na humarap sa katotohanan, mas madaling ikuwento na “buti na lang nagdasal ako” o “mabisa talaga ang panata.” Sa ganitong galaw, ang relihiyon ay hindi na gabay tungo sa konsensiya at pagbabago. Nagiging costume na lamang ito—isang moral na kasuotang isinasabit sa katawan upang magmukhang malinis kahit marumi pa ang asal sa trabaho.

Mas masahol pa, may bahid ng transaksiyonal na pagtingin sa Diyos ang ganitong ugali. Para bang ang dasal, misa, o panata ay isang uri ng pambayad para makaiwas sa consequences. Parang vending machine ang langit: maghulog ka ng ritwal, may lalabas na paborableng resulta. Hindi iyan espirituwal na lalim. Iyan ay instrumental na paggamit sa relihiyon para takasan ang kaba, pananagutan, at minsan pati katotohanan. At kapag ikinukuwento pa ito sa iba na tila patunay ng espesyal na basbas, lumalabas na ang pakay ay hindi lamang manalig kundi magtanghal—upang makita ng kapwa na siya ay “taong may Diyos,” kahit ang tunay na kailangan naman ay pagiging taong may disiplina, husay, at dangal.

Delikado ang ganitong klase ng performative religiosity dahil nililihis nito ang pamantayan ng mabuting paggawa. Ang dapat sentro ay competence, preparation, accountability, at integridad. Ngunit kapag ang kultura ay nasanay sa mga kuwentong “nakalusot dahil nagdasal,” unti-unting lumalabo ang simpleng prinsipyo na ang trabaho ay dapat inaayos, hindi inaanting-antingan. Ang meeting ay pinaghahandaan, hindi pinapabendisyunan lamang. Ang pagkakamali ay inaamin at itinatama, hindi dinadaan sa relihiyosong pagkukuwento para gumaan ang tingin ng iba. Sa pinakamasakit na pagbasa, ang ganitong asal ay hindi patunay ng banal na buhay kundi tanda na may taong gustong gamitin ang wika ng kabanalan upang hindi lubos na harapin ang sariling kapalpakan.

Hindi masama ang magdasal. Hindi masama ang magpa-misa. Hindi masama ang magkaroon ng debosyon. Ang masama ay kapag ang mga ito ay ginagawang moral na make-up para pagtakpan ang kakulangan sa trabaho at kakulangan sa karakter. Dahil ang tunay na espirituwalidad ay hindi nasusukat sa dami ng rosaryo bago ang meeting. Nasusukat ito sa tapang umamin ng sablay, sa kababaang-loob tumanggap ng puna, sa katapatang magsabi ng totoo, at sa disiplina na ayusin ang gawain kahit walang himalang sasalo. Sa huli, ang pinakaespirituwal na tao sa opisina ay hindi iyong pinakamadaling magkuwento ng panata. Kadalasan, siya iyong tahimik na gumagawa nang maayos, marunong managot, at hindi kailangang gawing entablado ang Diyos para lamang iligtas ang sarili niyang imahe.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Demonisasyon ng Paglaya: Paano Ginawang “Salot” ang Demokratikong Pakikibaka

BULAHAW, BULAHAW, KAILAN KA PAPANAW

Mga Teatro ng Kakayahan, Komadrona ng Kabulukan