BULAHAW, BULAHAW, KAILAN KA PAPANAW
Ang sobrang ingay — lalo na ang videoke at pagpapatugtog nang ubod-lakas sa gabi — ay hindi simpleng “kasiyahan.” Kabastusan iyan na ginawang normal. Kawalang-pakialam iyan na binihisan lang ng salitang “libangan.” Sa lahat ng oras iyan - at lalo kapag lampas alas-diyes na, mas malinaw pa -- hindi na iyan saya. Pambubulahaw na iyan. Paglabag na iyan. Kriminal na gawain na.
Huwag na nating lokohin ang sarili natin. Ang taong nagbabanda, nagpapatugtog, nagvi-videoke nang malakas habang may mga kapitbahay na gustong magpahinga, may sanggol na natutulog, may maysakit, may matandang hinihingal, may estudyanteng nag-aaral, may manggagawang gigising nang madaling-araw — ay hindi lang maingay. Makasarili siya. Pinipili niyang ipataw ang sarili niyang aliw sa buong komunidad. Gusto niyang ang lahat ay tiisin o sakyan o unawain ang trip niya. Gusto niyang ang buong paligid ay magdusa para lang marinig ang boses niyang sintunado at ang tugtog niyang walang pakundangan.
At dito pumapasok ang Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpala.
Sa Giliw, bagsak na bagsak iyan. Ang Giliw ay malasakit, pakiramdam, at paggalang sa kapwa. Kapag hindi mo kayang isipin ang pahinga ng iba, wala kang Giliw. Huwag mong tawaging pakikisama ang pag-iingay. Hindi pakikisama ang perwisyo. Hindi pagmamahal sa komunidad ang pagbomba ng tunog na parang ikaw lang ang tao sa mundo. Ang totoo, ang sobrang ingay ay tahimik na anyo ng dahas. Hindi man kamao ang gamit mo, binubugbog mo naman ang isip, katawan, at pagtitimpi ng iba.
Sa Giting, wala ring maipagmamalaki riyan. Ang tunay na tapang ay may disiplina. Ang tunay na may lakas ng loob ay marunong magpigil. Hindi katapangan ang pagiging pasaway. Hindi pagiging astig ang pagiging istorbo. Ang taong hindi kayang hinaan ang speaker niya ay hindi malakas — mahina ang kontrol niya sa sarili. Alipin siya ng yabang, ng papansin, at ng ugaling “ako muna.” Ang totoo, mas madaling mag-ingay kaysa rumespeto. Mas madaling magmatigas kaysa magpakatao.
Sa Gilas, kahiya-hiya iyan. Walang gilas sa pag-a-asal kanto sa buong gabi. Walang pino sa ugaling kailangang marinig ng buong barangay ang kaligayahan mo. Walang dangal sa aliw na nakasalalay sa pagkasira ng katahimikan ng iba. Ang taong may tunay na Gilas ay marunong bumasa ng oras, lugar, at sitwasyon. Marunong siyang magsaya nang hindi nagiging salot. Ang walang pakiramdam sa volume, kadalasan, wala ring pakiramdam sa dignidad ng kapwa.
Sa Ganap, salot iyan sa maayos na buhay. Ang tulog ay hindi luho. Ang katahimikan ay hindi arte. Kailangan iyan ng tao para makapag-isip, makapagtrabaho, makapagpagaling, makapag-aral, at makapanumbalik ng lakas. Kaya ang maingay na kapitbahay ay hindi lang nakakairita — nagnanakaw siya. Ninanakaw niya ang tulog. Ninanakaw niya ang pokus. Ninanakaw niya ang kapayapaan. Ninanakaw niya ang lakas na dapat dala ng tao kinabukasan. At ang magnanakaw ng katahimikan ay kasabwat ng pagkasira ng komunidad.
Sa Gantimpala, mali rin ang moralidad. Gusto mo ng saya? Sige. Pero bakit ang kabayaran ay ipapasa mo sa iba? Bakit kapitbahay ang magdurusa para sa luho mong magpaingay? Bakit ang pahinga ng marami ang isasakripisyo para sa kasiyahan ng iilan? Hindi iyan gantimpala. Pang-aabuso iyan. Ang aliw na nakukuha sa perwisyo ng iba ay maruming aliw.
At huwag na huwag gamitin ang depensang, “Minsan lang naman,” “Nag-eenjoy lang naman kami,” o “Dito sa atin normal lang iyan.” Maraming mali ang nagiging normal dahil matagal nang kinukunsinti. Hindi porke’t nakasanayan ay tama na. Hindi porke’t kultura ay dapat nang palampasin. Hindi lahat ng nakagawian ay karapat-dapat ipagtanggol. May mga ugaling kailangang putulin dahil nakakasira na sa dangal ng pamayanan.
Kung may ordinansa na hanggang alas-diyes lang, tapos tuloy ka pa rin, malinaw ang mensahe mo:
Wala kang pakialam sa kapitbahay.
Wala kang pakialam sa disiplina.
At higit sa lahat, wala kang pakialam sa kapwa.
Iyan ang kabaligtaran ng Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpala.
Ang komunidad na may Giting ay marunong magpigil.
Ang komunidad na may Gilas ay marunong umasta nang may dangal.
Ang komunidad na may Ganap ay marunong magpanatili ng maayos na pamumuhay.
At ang komunidad na may Gantimpala ay hindi kumukuha ng saya kapalit ng paghihirap ng iba.
Pero ang komunidad na lunod sa videokeng lampas-oras at tugtog na parang gera ay unti-unting nasasanay sa isang mapanganib na kaisipan: na ang pinakamalakas ang siyang masusunod.
At iyan ang dapat durugin.
Dahil ang tunay na sibilisadong pamayanan ay hindi nasusukat sa lakas ng speaker nito, kundi sa lalim ng paggalang nito sa katahimikan, pahinga, at dignidad ng bawat tao.
Pero huwag mong gawing audience ng sound system, boses, at banda mo ang buong block.
Huwag mong gawing bihag ang gabi ng ibang tao.
Huwag mong gawing basura ang Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpala dahil lang sa wala kang preno.
Ang sobrang ingay ay hindi simpleng istorbo. Ito ay ugaling salungat sa malasakit, disiplina, dangal, maayos na pamumuhay, at makatarungang pakikitungo.
Sa madaling sabi: salungat ito sa Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpala. At kung seryoso tayo sa mga salitang iyan, hindi ito dapat tinitiis.
Dapat itong sinasaway.
Dapat itong pinatitigil.
Dapat itong inaaresto.
Dapat itong kinakasuhan.
Dapat itong kinukulong.
Legal na mga paraan iyan.
Pero tandaan, sa kasaysayan, marami na ring mga insidente ng mga pinatay dahil sa walang pakundangang pagiingay. Malay mo, dahil sa kayabangan at kaingayan mo, matulad ka sa mga hindi dapat tularan.
Dahil lang wala kang self-regulation.
Dahil lang wala kang pakialam sa kapwa.
Dahil lang sadyang makasarili ka.
Masyado ng maingay ang mundo. Tapos, dumadagdag ka pa.
Isip-isip din.
P.S: Ganito rin ang sakit ng mga gumagamit ng malalakas na muffler at sadyang pinaiingay pa ito sa kalye at kapag may mga okasyon. Ganito rin ang mga nagsusunog ng basura sa kani-kanilang bakuran, pati ang mga nagsisiga ng dahon. Pare-pareho rin ang kanilang "mindset". Lahat ng mga gawain na yan ay pagtalikod sa likas nating pagkatao - may Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpala.
Comments