Hesus ng mga Hudyo, Kristo ng Simbahan, at Kristo ng Loob


Habang tumatanda ako, mas lalo kong naiintindihan na hindi iisa ang ibig sabihin ng “Kristo,” kahit iisang salita lang ang gamit natin.

Noong mas bata pa ako, mas simple ang lahat. Si Hesus, si Kristo, ang Diyos, ang relihiyon, ang pananampalataya—parang isang tuwid na linya lang. Isang kwento. Isang kahulugan. Isang dapat paniwalaan. Pero habang dumaraan ang panahon, habang mas marami akong nakikitang tao, institusyon, ritwal, politika, at mga uri ng pagkukunwari, mas naging malinaw sa akin na hindi pala ganoon kasimple. May Hesus ng kasaysayan. May Kristo ng simbahan. At may Kristo ng loob. Magkakaugnay sila, pero hindi sila pare-pareho.

May Hesus ng mga Hudyo: isang tao sa loob ng isang partikular na kasaysayan, sa gitna ng isang bayang may sugat, pananakop, pag-asa, at paghihintay. Sa antas na ito, ang “Kristo” o “Mesiyas” ay hindi pa iyong mabigat na doktrinang kinagisnan sa simbahan. Isa muna itong inaasahang hinirang. Isang pag-asa ng isang bayan. Isang pangalang may bigat ng pananampalataya at politika.

Pagkatapos, may Kristo ng Simbahan. Ito na ang Kristong dumaan sa mahabang panahon ng paliwanag, debate, konseho, doktrina, at institusyon. Ito ang Kristong hindi lang ipinasa, kundi hinubog. Hindi ko sinasabing walang halaga iyon. May halaga iyon sa napakaraming tao. Pero hindi rin ako bulag sa katotohanang ang mga institusyon ay hindi lang tagapag-ingat ng kahulugan. Tagahubog din sila ng kahulugan. Namimili sila. Nagpapasya sila. May pinapatingkad silang pagbasa, at may mga pagbasa ring naiiwan sa gilid.

At pagkatapos ng dalawang iyan, mayroon pang isa: ang Kristo ng loob. Ito ang mas mahirap ipaliwanag pero mas malapit sa karanasan. Ito ang Kristo na hindi lang nasa kasaysayan at hindi lang nasa doktrina, kundi nasa panloob na paggising, sa pagbabagong-loob, sa tahimik na pagharap ng tao sa katotohanan tungkol sa sarili. Sa antas na ito, ang “Kristo” ay hindi lang pangalan ng isang persona sa labas. Maaari rin siyang maging pangalan ng isang pangyayaring nangyayari sa loob—kapag may nalalaglag na ilusyon, may namamatay na yabang, may nagigising na katotohanan, at may unti-unting pagtuwid ng loob at kalooban.

Dito ako naging mas mapagbantay.

Dahil habang mas nauunawaan ko ang tatlong ito, mas nakikita ko rin kung gaano kadali para sa tao na hubugin ang Diyos ayon sa sariling pangangailangan. Hindi lang pala tayo naghahanap sa Diyos. Madalas, tayo rin ang gumagawa ng bersyon ng Diyos na gusto natin.

Kapag gipit tayo, gusto natin ng Diyos na provider.

Kapag nagkamali tayo, gusto natin ng Diyos na dispenser ng awa.

Kapag may hinihingi tayo, gusto natin ng Diyos na tagabigay ng biyaya.

Kapag may ambisyon tayo, gusto natin ng Diyos na padrino—may basbas sa gusto natin, may pabor sa kampo natin, may proteksiyon sa posisyon natin.

Sa ganitong paraan, ang banal ay nagiging utility. Ang pananampalataya ay nagiging transaksiyon. At ang pagsamba ay unti-unting nagiging paraan para makuha ang gusto, makaiwas sa consequence, o mapanatili ang kontrol.

Mas naging malinaw ito sa akin nang makita ko kung paano kumikilos ang maraming relihiyosong grupo. Lalo na iyong mga sandamakmak na “Bible-based” organizations, mga sekta, at samu’t saring faith groups na ang claim ay sila lang ang maliligtas. Sila raw ang tunay. Sila raw ang may tamang interpretasyon. Sila raw ang nasa wastong daan. Ang nasa loob nila ay ligtas, ang nasa labas ay ligaw.

Habang tumatanda ako, mas hirap akong maniwala sa ganitong mga pahayag. Hindi dahil wala silang paniniwala. Kundi dahil napakalaki ng claim nila. Sila lang sa ilang bilyong tao at ilang libong diyos at mga diyos-diyosan ng mundong ito. 

At madalas, hindi lang iyon usapin ng pananampalataya. Usapin din iyon ng takot, kontrol, at identity. 

Kapag sinabing sila lang ang ligtas, napakalakas ng hawak sa miyembro. Mas takot silang umalis. Mas kapit sa grupo. Mas madaling sumunod. Mas madaling maniwalang ang organisasyon nila ang mismong daan ng Diyos. 

Sa puntong iyon, hindi na lang Diyos ang sentro. Organisasyon na rin. Ang kaligtasan ay para bang nakaangkla na sa membership, sa pagsunod, sa pananatili sa bakuran. At para sa akin, mapanganib iyon. Dahil kapag ang isang grupo ay nagsimulang mag-angkin na sila lang ang daan, madalas ang totoo niyan ay lumiit na ang Diyos ayon sa sukat ng institusyon.

Hindi ko sinasabing walang sinseridad ang mga tao sa loob ng mga grupong iyan. Marami sa kanila ay tunay na naghahanap, tunay na nananampalataya, tunay na nagsisikap mamuhay nang matuwid. Pero iba ang sinseridad sa monopolyo ng katotohanan. At iba rin ang taimtim na pananampalataya sa pag-aangking sila lang ang may hawak ng susi ng kaligtasan.

At may isa pang mas ordinaryo pero mas masakit na anyo nito na nakita ko mismo sa buhay.

May kilala akong tao na ilang beses pa daw nagrosaryo para lang hindi mapagalitan ng top management dahil sa obvious na incompetence. Hindi ako natawa noong una. Natahimik ako. Dahil sa isang iglap, parang nakita ko roon ang isang malaking sakit ng relihiyosong pag-iisip ng tao.

Hindi ang rosaryo ang problema. Hindi ang dasal ang problema. 

Ang problema ay kapag ang dasal ay ginagawang pantakip sa kapalpakan imbes na tulay tungo sa pag-amin, pagwawasto, at pananagutan. Kapag ang panalangin ay hindi na paraan ng pagtuwid ng loob, kundi paraan ng pag-iwas sa consequence. Kapag ang relihiyon ay nagiging damage control.

Doon ko naisip ang isang mapait na tawag dito: crisis management theology. Parang ganito ang nangyayari: “Sana huwag akong mabuking. Sana huwag akong mapagalitan. Sana mailigtas ako sa resulta ng sarili kong kakulangan.” Hindi na Diyos na humihingi ng katotohanan, disiplina, at pagbuti ng gawa. Diyos na ginagawang panangga sa memo, pambawi sa obvious na incompetence, o insurance policy laban sa consequence.

Masakit aminin, pero hindi ito bihira. Nangyayari ito sa maliliit na tao at sa malalaking tao. Nangyayari ito sa opisina, sa pulitika, sa relihiyon. Ang ritwal na dapat sana’y humuhubog sa budhi ay nagiging pangtakip sa budhi. Ang dasal na dapat sana’y humahantong sa kababaang-loob ay nagiging paraan para huwag munang harapin ang katotohanan.

Dito ko rin naalala si Gary Granada at ang kanyang “Pagsamba at Pakikibaka.” Sapagkat baka iyon nga ang nawawala sa maraming anyo ng relihiyon: gusto nila ng pagsamba na walang pakikibaka, ritwal na walang katotohanan, debosyon na walang pagbabago ng asal, dasal na walang pananagutan. Pero ang mas malalim na banal ay hindi ganoon. Hindi ito natatapos sa pagyuko, pag-awit, o pagbigkas. Sinusubok din ito sa paraan ng tao ng pagharap sa kasinungalingan, sa kapangyarihan, sa sariling kapalpakan, at sa mga sistemang umaalipin sa loob. Sa puntong iyon, ang pagsamba ay hindi hiwalay sa pakikibaka. At ang pakikibaka, kung tunay, ay isa ring anyo ng pagsamba.

Lalo itong nagiging mapait kapag naiisip ko ang mga taong napakarelihiyoso sa anyo pero mandarambong naman sa kaban ng bayan, mga lider na madasalin sa entablado pero abusado, oportunista, at bulok ang ugali sa likod ng mikropono. 

Ang dali nilang banggitin ang Diyos. Ang bait nilang pakinggan sa panalangin. Ang linis nilang tingnan sa ritwal. Pero sa aktuwal na pamumuhay, sila rin ang sumisira sa tiwala, umaabuso sa kapangyarihan, at kumakain sa kinabukasan ng kapwa.

Sa ganitong mga tao, nagiging malinaw na ang relihiyon ay puwedeng isuot na parang uniporme habang ang loob ay hindi pa rin natitinag. Puwedeng kabisado ang dasal at wala namang hiya. Puwedeng laging nasa misa at wala namang konsensiya. Puwedeng magsalita tungkol sa biyaya habang ninanakawan ang bayan. Puwedeng magmukhang banal habang sa totoo lang ay bihasa lamang sa paggamit ng kabanalan bilang cover.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit maraming taong sawang-sawa na sa relihiyosong wika. Hindi dahil sawang-sawa na sila sa banal, kundi dahil sawang-sawa na sila sa mga taong laging may Diyos sa bibig pero wala namang katotohanan, katarungan, o dangal sa gawa. Sabi nga ni Dong, mga banal na aso, santong kabayo. Kaya lang, mas hamak na may dangal ang mga hayop na ito.

At doon muling bumabalik sa akin ang tatlong antas o aspeto ng usapan.

Kapag hindi mo pinag-iba ang Hesus ng mga Hudyo, Kristo ng Simbahan, at Kristo ng Loob, napakadaling maligaw. Madaling gumawa ng Kristong naaayon sa gusto ng organisasyon. Madaling gumawa ng Kristong pabor sa kani-kanilang kampo. Madaling gumawa ng Kristong tagapagligtas ng reputasyon, tagabigay ng pabor, o tagaayos ng personal na gulo. Madaling gumawa ng Diyos na kasya sa mg pansariling convenience. 

Pero marahil hindi ganoon ang banal.

Marahil ang banal ay hindi muna dumarating bilang sagot sa mga. Kagustuhan. Marahil dumarating muna ito bilang paghamon. Bilang tanong. Bilang paglalantad. Bilang pag-uga sa mga ilusyon. Bilang paanyaya na tingnan kung sino ba talaga ang hinahanap natin kapag sinasabi ang  “Diyos” o “Kristo.”

Ang hinahanap ko ba ay katotohanan?

O proteksiyon?

Pagbabago?

O pabor?

Metanoia?

O exemption sa consequence?

Sa dulo, ito marahil ang natutuhan ko: kailangang maging tapat hindi lang sa paniniwala, kundi sa pinanggagalingan ng paniniwala. Kailangan itanong sa sarili kung ang Diyos ba na dinadasalan ay Diyos na talagang humahamon na maging totoo, o larawan lang ng sarili pangangailangan. Kailangan ring aminin na ang relihiyon, gaano man kabanal sa wika, ay puwede ring maging kasangkapan ng takot, kontrol, transaksiyon, at pagtatakip.

Kaya mahalagang paghiwalayin ang mga bagay-bagay.

May Hesus ang mga Hudyo: makasaysayan, nakaugat sa pag-asa ng isang bayan. Siya pa rin kaya ang kinakatawan ng bayang pangako noon pero kinasusuklaman ngayon dahil sa pananakop at pagpatay sa mga Palestinong mayroon ding saysay at kasaysayan?

May Kristo ng Simbahan: hinubog ng doktrina, institusyon, at mahabang mga debate. Siya ba ang kristong ginamit sa pananakop, pagpatay, at pandarambong ng mga bayan at lipunan, at sa makabagong panahon ay kalakal ng mga simbahang teatrikong prente na lamang ang teksto para sa negosyo?

May Kristo ng Loob: simbolo ng paggising, pagbabagong-loob, at panloob na pagharap sa katotohanan. Sabi nga noong Hesus, ang tao ay maaaring sumunod at matuto sa kanya. 

At pagkatapos ng lahat ng iyan, may isa pang tanong na pinakamahirap sagutin:

Sa lahat ng larawang ito, alin ang totoo, at alin ang ginawa lamang dahil iyon ang kailangan?

Doon nagsisimula ang mas matapat na paghahanap. Hindi sa pag-angkin na tayo lang ang tama. Hindi sa paghawak sa Diyos bilang provider, dispenser, padrino, o panangga sa kapalpakan. Hindi sa crisis management theology. Hindi sa madasaling pagkukunwari habang ninanakawan ang bayan o inaabuso ang kapwa.

Kundi sa mas tahimik, mas mahirap, at mas malalim na gawain ng pagharap sa katotohanan—sa kasaysayan, sa institusyon, at higit sa lahat, sa sariling loob.

Dahil baka sa huli, ang tunay na banal ay hindi iyong madaling gamitin. Kundi iyong hindi natin kayang kontrolin, at gayon pa man, siya pa rin ang patuloy na humahamon sa atin na maging totoo.

Abril 4, 2026

Comments

Popular posts from this blog

Ang Demonisasyon ng Paglaya: Paano Ginawang “Salot” ang Demokratikong Pakikibaka

BULAHAW, BULAHAW, KAILAN KA PAPANAW

Mga Teatro ng Kakayahan, Komadrona ng Kabulukan