Ang Sagradong Butil


Isang akda para sa Linggo ng Pagkabuhay, 2026

Pagdating ng Linggo ng Pagkabuhay, napakadaling madala sa ideya ng liwanag. Pagkatapos ng bigat ng Biyernes Santo, natural lang na gusto nating tumalon agad sa ginhawa. Gusto nating isipin na pagkatapos ng sakit, dapat may mabilis na pag-ahon. Na pagkatapos ng dilim, dapat may agarang liwanag.

Matagal ko ng nakikita at batid na hindi lahat ng liwanag ay totoo. May ilang liwanag na pantakip lang. May ilang pag-asa na minadali para hindi na tingnan ang sugat. May ilang kuwento ng “pagbangon” na maganda pakinggan pero mababaw, dahil ayaw naman talagang harapin kung ano ang kailangang mamatay sa loob.

Kaya para sa akin, ang Linggo ng Pagkabuhay ay hindi simpleng pag-uulit ng lumang relihiyosong kuwento. Hindi ako nabubuhay sa mga salaysay na matagal nang pinatigas ng mga institusyon hanggang maging obligadong paniniwala. Hindi ako naniniwala na may isang panlabas na manunubos na kailangang magdusa para bigyan ako ng karapatang mabuhay. Dogma at doktrina ito ng kontrol. Ang patunay ng pagkabigo nito ay ang kasalukuyang kalagayan ng pagkahati-hati at pagkawatak-watak. 

Ang mas totoo para sa akin ay ito: may sagradong butil sa loob ng bawat tao. Nasa loob ang binhi. Nasa kalooban ang posibilidad. Nasa kailaliman ng pagkatao ang lihim ng tunay na pagbabago. 

Walang makakagawa nito para sa atin. Walang ritwal, walang institusyon, walang paulit-ulit na kuwento ang makapapalit sa gawain ng loob. Ang tunay na pagkabuhay ay hindi galing sa labas. Nagsisimula ito sa loob. Isa itong pag-usbong ng isang bagay na matagal nang naroon, pero natatabunan ng takot, hiya, yabang, maling pagtingin, at mga gawi na hindi naman talaga buhay.

Noong Biyernes Santo, malinaw sa akin ang ilang bagay: may pagdurusa, may sanhi ang pagdurusa, may wakas ang pagdurusa, at may landas. Pero ngayong Linggo ng Pagkabuhay, iba na ang tanong: ano ang nabubuhay pagkatapos mong humarap nang tapat sa sarili? Ano ang buhay kapag hindi ka na kuntento sa mga kuwentong ipinataw lang sa iyo? Paano mamuhay kung hindi ka na naghihintay ng tagapagligtas sa labas?

Doon pumapasok para sa akin ang imahe ng butil.

Ang butil ay hindi nabubuhay sa pag-iwas sa pagkabiyak. Nabubuhay ito dahil nabibiyak ito. Hindi ito tumutubo dahil may ibang butil na nasira para sa kanya. Tumutubo ito dahil may buhay na talaga sa loob nito mula pa sa simula. Kailangan lang ng tamang dilim, tamang lupa, tamang panahon, at pagpayag na mamatay ang lumang balat.

Ganito ko nauunawaan ngayon ang pagkabuhay.

Hindi ito pagbabalik sa dating sarili.

Hindi ito pagbura sa sakit.

Hindi ito pagtalon sa liwanag.

Hindi ito gantimpala para sa mabubuting naniniwala.

Ito ay pag-usbong mula sa loob matapos mabiyak ng katotohanan.

Sa ganitong pagbasa, ang Biyernes Santo ay simbolo ng pagkapunit ng loob kapag humarap ka sa totoo. Kapag nalalaglag ang ilusyon. Kapag hindi na makapagtago ang ego sa likod ng magagandang salita, matatalinong paliwanag, o maayos na imahe ng sarili. Kapag nakita mo nang may mga bahagi sa iyong kailangang mamatay, hindi bilang parusa, kundi dahil hindi na sila totoo.

At ang Linggo ng Pagkabuhay ay hindi himala na ipinataw mula sa taas. Isa itong mas tahimik na pangyayari: ang paglitaw ng isang buhay na hindi na umiikot sa parehong mga kasinungalingan.

Hindi bagong costume ng lumang ego.

Hindi mas maayos na bersiyon ng dati mong pagkakabuhol.

Hindi “spiritual” na anyo ng parehong takot at yabang.

Kundi isang buhay na bahagyang mas tahimik. Isang kaloobang hindi na agad sumusunod sa takot, galit, o hiya. Isang loob na marunong nang umupo sa sariling sugat nang hindi ito ginagawang buong pagkakakilanlan. Isang pamumuhay na hindi perpekto, pero hindi na rin watak sa gitna.

Para sa akin, ito ang buhay matapos ang Biyernes Santo: hindi ang paglimot sa dilim, kundi ang hindi na pagiging alipin ng dilim.

Dito ko rin mas naiintindihan ang landas. Ang wastong pagtingin, wastong layon, wastong salita, wastong kilos, wastong hanapbuhay, wastong pagsisikap, wastong pagkamalay, at wastong pagtuon—hindi sila listahan lang ng moralidad. Para silang paraan ng pag-aalaga sa sagradong butil sa loob para hindi ito muling matabunan ng parehong mga puwersang minsang nagpalibing dito.

Dahil ang butil sa loob ay hindi lang kailangang kilalanin. Kailangan din itong alagaan.

At ang pag-aalaga rito ay hindi drama o self-help talk. Disiplina ito. Paulit-ulit na pagpili kung paano titingin, paano magsasalita, paano kikilos, paano hahawak sa kapangyarihan, paano magmamahal, at paano magdadala ng sugat nang hindi ito ipinapasa sa iba bilang sakit.

Sa madaling sabi, ang pagkabuhay ay hindi lang pakiramdam. Isa itong paraan ng pamumuhay.

Naroon ito sa paghinga na hindi na laging naghahabol.

Sa dibdib na marunong nang lumuwag.

Sa lalamunang hindi na kailangang ilabas ang lahat bilang galit.

Sa noo na hindi na kailangang kontrolin ang lahat para matahimik.

Sa mga kamay na hindi na ganoon kabilis manakit o mang-agaw.

Sa paglakad na hindi na laging tumatakas sa sarili.

Kaya ang buhay, sa mas malalim na kahulugan, ay hindi lang basta pananatiling humihinga. Maraming humihinga pero matagal nang hiwalay sa sarili nilang sagradong butil. Maraming gumagalaw pero wala nang tunay na pag-uwi sa loob. Maraming mukhang maayos sa labas pero tuyô sa loob.

Ano kung gayon ang pamumuhay ayon sa mga pagninilay ng Biyernes Santo?

Ito ay buhay na hindi minamadali ang paghilom.

Buhay na hindi ginagawang dahilan ang sugat para manakit.

Buhay na inuuna ang pag-usig sa sariling mga kapit bago humusga sa mundo.

Buhay na naniniwalang may wakas ang pagdurusa, kaya hindi na romantisado ang pagiging wasak.

Buhay na alam na may landas, kaya hindi kuntento sa magagandang ideya lang.

At higit sa lahat, ito ay buhay na nakaugat sa sagradong butil sa loob.

Iyon ang dahilan kung bakit hindi ko kailangang maniwala na may ibang namatay para ako’y mabuhay. Sapat nang malaman na may isang bagay sa loob ko na hindi kayang ibigay o bawiin ng anumang institusyon. Isang butil ng katotohanan, habag, tapang, at linaw. Maaari ko itong ibaon. Maaari ko itong kalimutan. Maaari ko itong takpan ng ideolohiya, relihiyon, titulo, at ego. Pero naroon pa rin ito. Naghihintay. Hindi ng pagsamba, kundi ng lupa. Hindi ng takot, kundi ng pagpayag. Hindi ng tagapagligtas sa labas, kundi ng loob na handang mabiyak.

Dito para sa akin nagiging totoo ang pagkabuhay.

Hindi ito paglabas ng isang katawan mula sa libingan ng kasaysayan.

Ito ay paglabas ng tao mula sa mga libingang itinayo niya sa sariling loob—mga libingan ng takot, hiya, maling pagtingin, at paulit-ulit na pagkakapit (attachment).

Ang pagkabuhay ay hindi pagtatanghal ng himala. Isa itong dahan-dahang paglabas mula sa mga panloob na puntod na matagal nating tinirhan.

Kaya kung tatanungin ako ngayon kung ano ang buhay, ito marahil ang sagot ko:

Ang buhay ay kapag ang loob ay tumigil nang magsinungaling sa sarili.

Ang buhay ay kapag ang kalooban ay natutong tumuwid nang hindi nagpapanggap na perpekto.

Ang buhay ay kapag ang sagradong butil ay hindi na lamang nakabaon, kundi nagsisimula nang sumibol sa paraan ng pagtingin, pagsasalita, pagkilos, at pagmamahal.

Ang buhay ay kapag hindi ka na naghihintay ng tagapagligtas sa labas, dahil nagkaroon ka na ng tapang harapin ang banal na posibilidad sa loob.

Hindi ko pa rin nakukulayan ang lumang drawing ko.

Pero iba na ang tingin ko rito ngayon. Hindi na lang siya alaala ng pandemya. Isa na siyang paalala na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa loob. Na ang metanoia ay hindi dekorasyon ng isip, kundi pag-uga ng buong pagkatao. Na ang buhay ay hindi ipinagkakaloob bilang handa nang kuwento, kundi pinasisibol mula sa sagradong butil sa kailaliman ng kalooban.

Baka balang araw kulayan ko rin siya.

Pero hindi na para tapusin siya.

Kundi para kilalanin na may mga bagay na matagal nang buhay sa loob, at sa wakas ay nagkaroon lamang ng sapat na liwanag upang magpakita.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Demonisasyon ng Paglaya: Paano Ginawang “Salot” ang Demokratikong Pakikibaka

BULAHAW, BULAHAW, KAILAN KA PAPANAW

Mga Teatro ng Kakayahan, Komadrona ng Kabulukan