Pigilan mo akong mangarap...

Pigilan mo akong mangarap
Pagkat ang pag-ibig natin ay
Hindi sine o kwento, ni fairy tale.

Gupitin mo ang mga pakpak
Ng aking pangarap at panaginip,
Pagkat ang pag-ibig natin
Ay walang siguradong
‘and they lived happily ever after’
Sa ending.

Ikadena mo ang paglilimayon
Ng aking guni-guni
Pagkat ang pag-ibig natin
Ay hindi nabibiyayaan
Ng katiyakan
Ng paglubog at pagsikat ng araw.

Sa halip,

Turuan mo akong ituring
Na ‘dream come true’
Ang bawat araw,
Ang mga sandali
Na kapiling kita.

Sabihin mo sa aking
Langit at lupa
Ang mga panahong tayo
Ay magkatabi…

Ang nahahawakan ko
Ang mga kamay mo…

Ang nakakasabay kita
Sa pagkain…

Ang nakasandig ako
Sa balikat mo at
Gayundin ikaw sa akin…

Ang naririnig ko ang boses mo…

Ang mga sandaling
Naisisingit mo ako
Sa iyong mga iniisip…

Ang nahahagkan
At nayayakap kita…


Ang namamasdan ko
Ang pagbuka ng iyong mga labing Humahabi ng mga pangarap na
Wala tayong karapatang angkinin.

Ang sandaling panahong hindi
Mo man alam na minamasdan
Kita sa iyong pagtulog.

Sapagkat mahal ko,

Ikaw at ako ay may kahati
Sa ating pagmamahalan –
Ang sitwasyong kinalalagyan mo
At ang pag-amot ko sa iyong
Panahon at pagtingin –

Ang kahati sa loob at labas
Ng ikaw at ako.

Kayat pigilan mo akong
Mangarap, mahal.

Sa halip ay hayaang magpahayag.
Magpahalaga.

Tumanggap ng saya
At pasakit man.

Maging kabahagi sa iyong
Saya at lungkot,
At pag-aalala.

Dahil sapat na mahal
Ang ikaw lamang
Ang nakababatid na
Mahal kita…

At sa ganoon, hindi ko na
Kailangang mangarap pa.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Demonisasyon ng Paglaya: Paano Ginawang “Salot” ang Demokratikong Pakikibaka

BULAHAW, BULAHAW, KAILAN KA PAPANAW

Mga Teatro ng Kakayahan, Komadrona ng Kabulukan